Sumampa na sa higit ₱56 milyon ang kabuuang halaga ng humanitarian assistance na nailaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa nagpapatuloy na El Niño response ng ahensya.
Bukod dito, may ₱1.3 milyon pang tulong mula sa mga lokal na pamahalaan.
Kabilang sa ipinamahagi ng DSWD ang family food packs, suplay ng tubig at emergency cash transfer para sa mga pamilyang apektado ng El Niño. Patuloy din ang monitoring at response efforts ng ahensya sa mga apektadong lugar.
Tiniyak din ng DSWD na may available pa itong ₱331 milyong standby na Quick Response Fund sa DSWD Central Office, habang may ₱10.39 milyon na available sa DSWD Field Offices II, MIMAROPA, V, at Caraga.
Mayroon ding ₱34.85 milyon sa iba pang DSWD Field Offices na maaaring gamitin sa relief assistance sa pamamagitan ng inter-field office augmentation.
Sa kasalukuyan, nasa 84,233 pamilya o 192,123 indibidwal sa 807 barangay sa Regions II, MIMAROPA, V, at Caraga ang apektado ng El Niño.