Aabot sa 49 na mga menor-de-edad ang nasagip ng Philippine National Police (PNP) mula sa mga tinatawag na cyber threat o mga bantang nagmumula sa internet.
Ito ang iniulat ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. batay sa kanilang datos nitong Setyembre, mula nang mangyari ang sunod-sunod na insidente ng karahasan sa loob ng mga paaralan na sinasabing naimpluwensyahan ng “cyber threats.”
Kabilang dito ayon sa PNP Chief ang mga napipigilang banta ng karahasan ng mga mag-aaral kung saan, ang ilan pa nga sa mga estudyante ay nakukumpiskahan ng armas.
Dagdag pa ni Nartatez, patuloy nilang tinutugis ang mga hinihinalang ‘GROOMERS’ ng kabataan na ang ilan ayon sa top cop ay accounted o tukoy na umano pero hindi na idinetalye pa.
Nangako naman ang PNP Chief na magti-triple kayod pa sila upang tuluyang masawata ang mga insidenteng kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Bukod sa online groomers sa mga miyembro ng True Brown Style (TBS), tina-target ding malansag ng PNP ang recruitment ng mga teenager na isinasabak sa krimen.