Photo courtesy of Department of Agriculture
Pinalalakas pa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga hakbangin upang tiyakin ang sapat na supply ng pagkain at tubig sa bansa bilang paghahanda sa mga posibleng epekto ng very strong El Niño.
Inatasan ng Pangulo ang National Food Authority (NFA) na dagdagan ang pagbili nito ng palay at palawakin ang capacity ng mga bodega upang maipon at mapatibay ang rice buffer stock ng pamahalaan.
Sa isang press briefing noong Lunes, inihayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ibinaba ang direktiba sa NFA na bilhin ang lahat ng makakayanang palay habang nagpapatuloy ang nalalabing panahon ng pag-aani.
“Bumibili ng bumibili ang NFA ubusin ang kanilang pera, para mapuno iyong ating mga NFA warehouses with the rice,” pahayag ni Laurel.
Pinalalakas din ng Department of Agriculture (DA) ang suporta sa produksyon sa mga rehiyon at sakahan na mayroon pang sapat na supply ng tubig. Kabilang dito ang pamamahagi ng karagdagang binhi at pataba, pati na rin ang paglalagay ng mga solar irrigation system at solar pumps.
Ayon kay Laurel, magsasagawa rin ang pamahalaan ng cloud seeding upang makapagpabagsak ng ulan sa mga sakahan.
“We will be doing cloud seeding to make more water fall down sa mga agri lands natin… We are also doubling down on iyong mga interventions doon sa areas ng tubig. Meaning, more intensity sa seeds per hectare, more fertilizer, then hopefully mas marami silang ma-produce doon sa mga areas na may tubig pa para ma-augment kahit paano ang mga areas na walang tubig,” dagdag ng kalihim.
Bukod dito, nag-utos din ang Pangulo sa DA na bumuo ng panukalang work plan para sa mga magsasaka at mangingisda na hindi makakapagtrabaho sa kasagsagan ng tagtuyot. Sa ilalim ng planong ito, maaaring ipasok ang mga apektadong sektor sa mga alternatibong gawain tulad ng paghuhukay ng mga kanal at paghahanda ng lupa para sa susunod na panahon ng pagtatanim.
“Iniutos ni Pangulo na gumawa kami ng work plan na baka yung ibang TUPAD ibigay natin sa ating mga farmers at fisherfolk during the kasagsagan ng El Niño base on schedule para habang hindi sila makapagtanim ay gumawa sila ng mga kanal, mag land preparation for next planting season,” ani Laurel.
Siniguro naman ng DA na nananatiling sapat ang kasalukuyang supply ng pagkain sa bansa. Sa ngayon, mayroong buffer stock ang Pilipinas na tatagal ng humigit-kumulang 75 araw para sa bigas, 125 araw para sa manok, 170 araw para sa karne ng baboy, at 90 araw para sa mais.