Nanawagan si Senate Committee on Health Chairperson Senadora Risa Hontiveros sa mga lokal na pamahalaan na makipagtulungan sa national government para maglagay ng libreng drinking water stations sa mga pampublikong lugar, bilang proteksyon sa mga panganib sa kalusugan dulot ng Very Strong El Niño.
Binigyang diin ni Hontiveros na dapat magkaroon ng hydration stations sa mga palengke, terminal at iba pang matataong lugar para matiyak na may access ang publiko sa malinis at libreng inuming tubig at makakatulong rin ito para maiwasan ang dehydration at heat stroke.
Aniya, hindi sapat ang pag-uulat lang ng heat index at kailangan ding maglaan ng ligtas na lugar kung saan pwedeng magpahinga at magpalamig ang publiko.
Iminungkahi rin ng senadora na gawing cooling shelters ang mga pampublikong pasilidad gaya ng mga paaralan, aklatan, museum at community centers kapag matindi ang init.
Hinikayat din niya ang mga mall at iba pang pribadong establisyimento na maglaan ng kumportable at naka-air condition na lugar kung saan maaaring magpahinga ang publiko nang walang kailangang bilhin.
Ayon kay Hontiveros, ang mga hakbang na ito ay ilan lang sa mga agarang solusyong maaaring ipatupad habang pinag-aaralan din ng pinamumunuan niyang Senate Ad Hoc Committee on Reinvigorating Investment and Sustainable Economic Growth ang mga hakbang para tugunan ang Very Strong El Niño. | ulat ni Nimfa Asuncion