Ikinagalak ni Senadora Pia Cayetano ang desisyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na suspendihin muna ang mandatory online posting ng BIR Registration Seal Badge.
Kasunod ito ng mga reaksyon at pangamba ng netizens, online sellers at iba pang stakeholder, partikular sa usapin ng data privacy.
Ayon kay Senadora Pia, direktang inilapit ng kanyang tanggapan ang mga isyung ito sa National Privacy Commission (NPC).
Ang Senadora ang humahawak ng panukalang 2027 budget ng komisyon.
Naglabas na din ang NPC ng Notice to Explain sa BIR para humingi ng paglilinaw tungkol sa mga isyu sa mandatoryong pagpapaskil ng registration seal badge.
Paliwanag ng BIR, magbibigay ng panahon ang suspensyon para masuri ang mga alalahanin sa data privacy at teknikal na aspeto ng sistema.
Umaasa naman si Senator Pia na matutugunan ng BIR ang mga naiulat na problema sa mismong proseso ng pagpaparehistro. Giniit ng senadora na mahalaga ang pagsunod sa pagbabayad ng buwis pero dapat ding maprotektahan ang karapatan sa data privacy at matiyak ang mas madali at maayos na proseso ng pagnenegosyo.