Itinanggi ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pahayag ni dating Public Works Secretary Manuel Bonoan na may mahigit pitong bilyong pisong congressional initiatives na ipinasok sa 2025 national budget.
Kasunod ito ng testimonya ni Bonoan sa pagdinig ng Sandiganbayan Fifth Division sa kahilingan ni Estrada na makapagpiyansa sa kasong plunder kaugnay ng umano’y mga kickback mula sa mga flood control project.
Bilang state witness sa kaso, sinabi ni Bonoan na may hindi bababa sa 7.4 billion pesos congressional initiatives si Estrada sa 2025 national budget.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Estrada na matagal na niyang pinabubulaanan ang naturang alegasyon at mapatutunayan ito ng mga opisyal na rekord ng Senado, partikular ng Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO).
Tinukoy niya ang liham ng LBRMO sa Office of the Ombudsman noong Marso, kung saan sinabing walang legislative records o opisyal na dokumentong nagpapakita ng anumang insertion o amendment na ginawa ng isang senador, partikular ni Estrada, sa 2025 national budget na may kaugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon pa kay Estrada, kapareho rin ito ng naging pahayag ni Senador Ping Lacson sa isang privilege speech, kung saan binanggit ang natuklasan ng LBRMO na walang naturang insertions. Binigyang-diin ni Senator Jinggoy na hindi iisang mambabatas ang bumubuo sa General Appropriations Act o pambansang budget kundi produkto ito ng dalawang kapulungan ng Kongreso at inaprubahan ng Pangulo alinsunod sa prosesong itinakda ng Konstitusyon.