Hinimok ni Senate Committee on Agriculture chairman Senador Kiko Pangilinan ang mga ahensya ng gobyerno na tukuyin at suriin ang mga pondong maaaring gamitin para sa paghahanda at pagtugon sa posibleng matinding epekto ng Very Strong El Niño.
Giniit ni Pangilinan na kailangang malaman agad kung magkano ang available na pondo, saan ito kukunin at gaano kabilis mailalabas ang budget para maprotektahan ang mga sektor ng agrikultura, pangisdaan, suplay ng tubig at amg food security.
Hindi aniya dapat hintaying matuyo ang mga pananim, mawalan ng huli ang mga mangingisda at tumaas ang presyo ng pagkain bago kumilos ang pamahalaan.
Isinusulong ng senador ang agarang pagpapalabas ng pondo bilang bahagi ng kaniyang eight-point action plan laban sa Very Strong El Niño.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagdedeklara ng state of calamity, paghahanda at pamamahagi ng mga suplay at ayuda, pagprotekta sa mga sakahan at sistema ng tubig, pagpapatupad ng price freeze, pagsugpo sa profiteering at hoarding, pagbibigay ng kabuhayan at pagtatatag ng sistema ng public accountability.
Binanggit rin ni Pangilinan ang mga posibleng mapagkukunan ng pondo sa ilalim ng Republic Act 12287 o Declaration of State of Imminent Disaster Act gaya ng Special Trust Fund mula sa naipong hindi nagamit na Local Disaster Risk Reduction and Management Fund, regular na budget ng mga national agencies at National Disaster Risk Reduction and Management Fund.
Hiniling ng senador sa Department of Budget and Management (DBM) na linawin ang mga umiiral na appropriation, available na balanse at halagang maaaring gamitin para sa mga hakbang laban sa El Niño. | ulat ni Nimfa Asuncion