Nanawagan ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa publiko na manatiling mapagmatyag laban sa mga indibidwal na maaaring samantalahin ang paggunita ng Undas sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga pari na nag-aalok ng mga panalangin, basbas, o iba pang serbisyong panrelihiyon para sa mga yumaong mahal sa buhay kapalit ng pera.
Sa inaasahang libo-libong pamilya na bibisita sa mga sementeryo, memorial park, at columbarium sa buong Metro Manila para sa Araw ng mga Santo at Araw ng mga kaluluwa, pinaalalahanan ng NCRPO ang publiko sa mga mapagsamantalang indibidwal na gagamitin ang okasyon para sa pansariling pakinabang.
Ipinaalala ng NCRPO na ang mga lehitimong serbisyong panrelihiyon at gawaing may kaugnayan sakkpananampalataya ay karaniwang isinasagawa sa koordinasyon ng mga kinikilalang parokya, diocese, simbahan, o pamunuan ng mga sementeryo.
Pinayuhan din ang publiko na partikular na maingat sa mga indibidwal na namimilit na magbayad agad, nagtatakda ng sapilitang halaga ng bayad, o nagiging agresibo kapag kinukuwestiyon ang kanilang pagkakakilanlan o awtoridad. Hinihikayat ang mga bumibisita sa mga sementeryo na ireport ang mga kahina-hinalang indibidwal sa pinakamalapit na pulis, Police Assistance Desk, security personnel ng sementeryo, o himpilan ng pulisya sa kanilang lugar.