Tumanggap ang Lungsod ng Taguig ng maraming parangal mula sa Department of Health–Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD) bilang pagkilala sa mga programang pangkalusugan, serbisyong nakabatay sa komunidad, at mga pagsisikap nitong palakasin ang lokal na sistemang pangkalusugan.
Natatanging kinilala ang Taguig bilang nag-iisang lokal na pamahalaan (LGU) sa Metro Manila na nakatanggap ng tatlong pagkilala sa Good Practices in Health (GPH). Kabilang dito ang mga programang Taguig Doctor On Call, 24/7 Community-based Super Health Centers, at Physical Medicine and Rehabilitation Unit.
Iginawad ang mga parangal sa isang seremonya na ginanap sa Richmonde Hotel Ortigas sa Pasig City noong Martes, Oktubre 27. Ang mga pagkilalang ito ay kabilang sa limang kategorya ng parangal na natanggap ng lungsod.
Kinilala rin ang Taguig bilang Outstanding LGU in Barangay Health Workers Community-Based Service Deliverydahil sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad, lalo na sa mga residente sa mga lugar na kulang o walang sapat na serbisyong medikal.
Tumanggap din ang lungsod ng Plaque of Commendation para sa naging pagganap nito sa LGU Health Scorecard mula 2023 hanggang 2025. Sinusuri sa nasabing scorecard ang pamamahala, pagpopondo, at mga reporma ng lokal na pamahalaan para maisulong ang Universal Health Care o pangkalahatang serbisyong pangkalusugan. Bukod dito, ginawaran ang Taguig ng Plaque of Recognition para sa Local Health Systems Maturity Level para sa taong 2025, gayundin ng Plaque of Appreciation bilang pagkilala sa mga pagsisikap nitong palakasin ang pagpapatupad ng mga programa para sa lokal na sistemang pangkalusugan sa Metro Manila.