Kiko Pangilinan
Hinikayat ni Senate Committee on Agriculture Chair Senador Kiko Pangilinan ang mga ahensya ng gobyerno na maghanda ng mga relief goods at iba pang pangunahing suplay para maprotektahan ang mga bulnerableng komunidad sa inaasahang epekto ng matinding El Niño.
Sinabi ni Pangilinan na dapat unahin ang mga pamilyang may mababang kita, magsasaka, mangingisda, agricultural workers, at iba pang sektor na higit na maaapektuhan ng matagal na tagtuyot, pagtaas ng presyo ng pagkain at pagkawala ng kabuhayan.
Binigyang-diin ng senador na kailangang kumilos habang maaga pa kaysa hintaying lumala ang sitwasyon bago magpatupad ng mga hakbang.
Sa ilalim ng kanyang panukalang eight-point action plan, hinimok niya ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Office of Civil Defense (OCD) at mga lokal na pamahalaan na magtulungan sa paghahanda ng mga plano sa bawat komunidad.
Kabilang sa mga iminumungkahing hakbang ang pag-iimbak at pamamahagi ng pagkain at non-food items; paghahanda ng mga response team; at pagtiyak na handang gamitin ang mga pasilidad sa imbakan, transportasyon at distribusyon.
Dapat din aniyang ihanda ang mga water tanker, bomba ng tubig, water treatment equipment at mga repair team para sa mga lugar na mangangailangan nito.
Ayon kay Pangilinan, kailangang tukuyin ang mga barangay na mataas ang panganib at magkaroon ng malinaw na schedule ng pamamahagi para matiyak na mabilis na makararating ang ayuda sa mga target na benepisyaryo.
Kabilang sa dapat aniyang unahin ang mga bata, buntis at nagpapasusong ina, senior citizen, persons with disabilities at mga residente sa geographically isolated and disadvantaged areas, mga magsasaka, mangingisda at pamilyang kapos sa kita.