Pinatitiyak ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Raffy Tulfo sa mga awtoridad ang kaligtasan ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at lahat ng nga terminal ng land, sea at air transport, lalo na ngayong Undas.
Sa pagdinig ng kanyang komite tinukoy ni Tulfo ang ulat na 1.25 million ang inaasahang pasahero sa NAIA terminals mula October 27 hanggang November 4.
Giit ni Senator Raffy, mahalagang matiyak na sapat ang seguridad ng mga pasaherong babyahe lalo’t ilang insidente ang naitala sa paliparan.
Kabilang aniya ang insidente kamakailan kung saan isang French national ang nanakawan ng luggage na naglalaman ng tatlong luxury watches na nagkakahalaga ng ₱15 million habang naghihintay ito sa pick-up area ng paliparan.
Nangangamba ang senador sa kaligtasan ng milyon-milyong pasahero kung ang mga kawatan ay nakakapasok sa loob ng NAIA.
Ikinaalarma rin ng mambabatas ang naharang sa Laos na 521 kilograms na shabu na aabot ng ₱3.54 billion sakay ng private jet papunta sanang Manila nito lang October 1.
Giit ni Tulfo, kailangang repasuhin at tiyaking maayos ang sistema ng paliparan at mga ahensya ng gobyerno para sa pagtiyak na protektado ang buhay dangal ng publiko bawat paglalakbay.