Kinastigo ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Raffy Tulfo ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) matapos aminin ng isang opisyal nito na may ilang CCTV camera sa paligid ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na hindi gumagana.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services, tinanong ni Tulfo si MIAA Assistant General Manager Antonio Mendoza kung totoo na may mga CCTV na hindi gumagana sa mga lugar na sakop ng MIAA at New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC).
Kinumpirma ito ni Mendoza, dahilan para sitahin siya ng senador at kuwestiyunin kung bakit hindi agad pinalitan ang mga sirang camera.
Naungkat ang usapin sa pagdinig ng komite sa reklamo ng French national na si Anthony Claude Boukhors, na nawalan ng tatlong mamahaling relo na nagkakahalaga ng higit ₱15 milyon matapos manakaw ang kanyang bagahe sa NAIA Terminal 1 habang naghihintay ng kaniyang naka-book na TNVS.
Sa pamamagitan ng Zoom mula sa Japan, sinabi ni Boukhors na ikinagulat niya ang impormasyong may mga CCTV na hindi gumagana, kabilang aniya sa lugar ng pick-up area.
Sinabi naman ni Mendoza na limang taon na ang ilang CCTV at may mga camera ring inalis matapos pumalit ang NNIC sa pamamahala sa ilang pasilidad.
Gayunman, sinabi niyang ibe-verify nila ang mga lugar na sakop ng mga CCTV at ang kanilang aktuwal na kondisyon.
Hindi naman ito ikinatuwa ni Senator Raffy kaya inatasan niya ang MIAA at NNIC na tiyaking gumagana ang lahat ng CCTV at magsumite sa komite, sa loob ng 48-oras, ng kumpletong report sa estado ng mga camera.
Binigyang-diin niyang lalong mahalaga ang maayos na surveillance sa paparating na Undas, kung kailan inaasahang dadami ang mga pasahero sa paliparan.
Pinagsabihan din ng senador ang dalawang pamunuan na ayusin ang koordinasyon at linawin kung aling mga lugar ang sakop ng bawat isa.
Samantala, may magandang balita naman para kay Boukhors dahil nabawi na ang tatlong relo matapos matukoy ang umano’y suspek na si Raymond Sarmiento.
Ayon sa ulat sa pagdinig, tinangka umanong ibenta ang mga relo sa halagang ₱120,000 lang sa Baclaran.
Nagpasalamat si Boukhors sa pagkakabawi ng kaniyang mga relo at nilinaw na personal collection niya ang mga ito at hindi niya dinala sa Pilipinas para ibenta.

