Naghain si Marikina City First District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro ng resolusyon na humihimok sa mga ahensiya ng gobyerno na agad palakasin ang mga hakbang sa pag-iwas, paghahanda at pagtugon sa banta ng Super El Niño.
Sa ilalim ng House Resolution 1523, hinimok ang National Disaster Risk Reduction and Management Council, Department of Agriculture at iba pang ahensiya na magpatupad ng magkakaugnay na hakbang para mabawasan ang epekto ng matinding tagtuyot.
Nakasaad sa resolusyon na umabot na sa mahigit 5.56 bilyong piso ang pinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, habang mahigit 201,000 sa kanila ang apektado at lampas 223,000 ektarya ng pananim ang napinsala.
Binigyang-diin din ang panganib ng kakulangan sa suplay ng tubig at kuryente, gayundin ang mga problemang pangkalusugan na dulot ng matinding init.
Hinimok ang mga ahensiya at lokal na pamahalaan na tiyakin ang sapat na pondo para sa disaster response, tulong sa agrikultura at mga proyektong makatutulong sa pag-angkop sa pagbabago ng klima.
Iminungkahi rin ang mas mahigpit na pagbabantay sa presyo ng mga bilihin upang maiwasan ang hoarding at hindi makatarungang pagtataas ng presyo. | ulat ni Kathleen Forbes