Pangungunahan ng Department of Budget and Management o DBM, sa pamamagitan ng Procurement Service-DBM, ang isang regional dialogue sa Nobyembre 4, 2026, sa Makati Diamond Residences upang isulong ang mga reporma sa government procurement at palakasin ang tiwala ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng ASEAN.
Layunin ng pagtitipon na gawing mas transparent, patas, at episyente ang paggastos ng pamahalaan, na inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga negosyo, partikular sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs.
Tatalakayin sa dialogue ang integrasyon ng procurement, financial management at audit systems; pagpapalakas ng investor confidence sa pamamagitan ng transparent at predictable na proseso; at paggamit ng digital technology para mapahusay ang monitoring at kahusayan sa pagbili ng pamahalaan.
Inaasahan ding makatutulong ang pagtitipon sa pagbuo ng panukalang ASEAN Procurement Agenda para sa mas matibay na kooperasyon ng mga bansang kasapi sa pagsusulong ng transparency, patas na kompetisyon, at digital procurement.
Isinasagawa ang inisyatiba bilang suporta sa 2026 ASEAN Chairship ng Pilipinas, sa pangunguna ng DBM at PS-DBM, sa pondong mula sa European Union at teknikal na tulong ng United Nations Development Programme o UNDP Philippines.
Layunin nitong matiyak na ang bawat pisong ginagastos ng gobyerno ay nagdudulot ng pinakamalaking pakinabang sa publiko at sa ekonomiya. | ulat ni DK Zarate