Siniguro ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang mangyayaring pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin ngayong Pasko o hanggang sa katapusan ng taon.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro bahagi ito ng mga hakbang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matulungan ang mga mamimili na harapin ang mga hamong pang-ekonomiya sa bansa.
“Ang DTI ay nangako na walang pagtaas itong darating na Pasko sa mga prime commodities, mga basic needs natin. Iyong supply ng fuel ay hindi mapuputol; tuluy-tuloy pa rin po,” dagdag ni Palace Press Officer.
Binigyang-diin ni Castro, na ipinatutupad ng pamahalaan ang mga kaparehong hakbang sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang masiguro na makatatanggap ng suporta ang mga Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin.
“Pero magtulong-tulong pa rin po tayo, kasama po kayo, na intindihin natin kung ano ang nangyayari sa paligid natin kasi sabi nga natin, hindi ito kagustuhan ng Pangulo dahil sinong pangulo ang gugustuhing tumaas ang presyo ng krudo.” -Castro