Kinuwestiyon ni Senate Committee on Agriculture Chairman Senador Kiko Pangilinan ang paulit-ulit na pagpasok ng mga imported na agricultural products sa bansa tuwing panahon ng anihan.
Aniya, posibleng modus ito na nakapipinsala sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.
Sinabi ni Pangilinan na dapat masuri kung naipatutupad nang tama ang mga patakaran sa importasyon para maprotektahan ang mga local producer laban sa pagbaba ng presyo ng kanilang ani.
Pinunto na sa ilalim ng 60-day rule ng Department of Agriculture, kailangang makaalis sa pinanggalingang daungan ang mga imported na agricultural products sa loob ng 60 days at hindi dapat tumapat ang paglabas ng mga ito sa panahon ng lokal na anihan.
Pinaliwanag ng senador na kapag sabay na dumarating ang imported at lokal na agri products sa merkado ay bumabagsak ang presyo at napipilitang magbenta nang palugi ang mga magsasaka.
Dahil dito, isasailalim sa imbestigasyon ng pinamumunuan niyang Senate Committee on Agriculture ang tinatayang 700 million pesos na halaga ng hinihinalang smuggled na bigas na nasabat sa mga pantalan ng Davao at Limay, Bataan noong nakaraang buwan.
Inaasahang sisimulan ang imbestigasyon sa unang linggo ng Nobyembre.
Sinabi ng senador na nakipag-ugnayan na siya sa Department of Justice, Department of Agriculture, National Bureau of Investigation at Anti-Agricultural Economic Sabotage Council kaugnay ng mga nasabat na kargamento.
Giit ni Pangilinan, kailangang matukoy ang mga nasa likod ng smuggling at ang posibleng mga kasabwat sa pamahalaan para mapanagot ang mga responsable. | ulat ni Nimfa Asuncion