Pinaalalahanan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga transport terminal at operator na tiyaking angkop sa lahat ng pasahero, lalo na sa mga bata, ang mga palabas na mapapanood sa mga bus at iba pang pampublikong sasakyan ngayong Undas.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, sinimulan na ng ahensya ang inspeksyon sa mga transport hub sa Metro Manila para matiyak na sumusunod ang mga ito sa age-appropriate at responsableng panonood.
Alinsunod sa MTRCB Memorandum Circular No. 03-2024, tanging mga palabas na may klasipikasyong General Audience at Parental Guidance lamang ang maaaring ipalabas sa mga terminal at public utility vehicle (PUV).
Ang General Audience ay angkop sa lahat ng edad, habang sa Parental Guidance naman ay kailangang may kasamang magulang o guardian ang batang manonood. | ulat ni Diane Lear