Pinalalakas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 5 ang Project LAWA at BINHI bilang bahagi ng mga hakbang upang mapatatag ang mga komunidad laban sa epekto ng tagtuyot at climate-related hazards sa Bicol Region.
Ayon sa DSWD Bicol, mayroon nang 198 established LAWA sites at 185 established BINHI sites sa anim na probinsya ng rehiyon. Sa ilalim ng programa, nakatuon ang Project LAWA sa pagpapalakas ng water access sa pamamagitan ng small farm reservoirs, water harvesting at iba pang water-conservation measures, habang itinataguyod naman ng Project BINHI ang food security sa pamamagitan ng communal gardens at climate-resilient crops.
Batay sa datos hanggang Setyembre 30, 2026, nasa 9,000 benepisyaryo na ang napaglingkuran sa Bicol at umabot sa ₱78.3 milyon ang naipamahaging pondo. Kabilang sa mga benepisyaryo ang mula sa Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Masbate, at Sorsogon, habang 100 porsyento nang nakumpleto ang Cash-for-Training Stages 1–3 sa rehiyon.
Patuloy namang isinusulong ng DSWD Bicol ang climate-smart farming practices, resilient crops, at teknikal na suporta sa mga lokal na pamahalaan upang mapalakas ang kapasidad ng mga komunidad na makapag-angkop at maging mas handa bago lumala ang epekto ng tagtuyot.
📸 DSWD Field Office 5 – Bicol Region