Iginiit ni Senator-Judge Kiko Pangilinan na ang pagiging confidential ng mga record ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay hindi nangangahulugang bawal na itong gamitin sa mga otorisadong proseso ng ahensya.
Sa Day 34 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, tinanong ni Pangilinan si AMLC Secretariat Executive Director Atty. Ronel Buenaventura kung nagsusumite ang AMLC ng mga record sa Court of Appeals bilang suporta sa mga kahilingan nitong mag-isyu ng freeze order.
Kinumpirma ito ni Buenaventura at sinabing ginagamit ng korte ang mga record bilang basehan sa pag-isyu o hindi pag-isyu ng freeze order.
Ayon kay Buenaventura, kung ituturing na absolute ang confidentiality ng AMLC records at hindi maaaring ibunyag o gamitin sa otorisadong proseso, hindi makakapagsampa ng mga kaso ang AMLC dahil mawawalan ito ng supporting documents.
Dito sinabi ni Pangilinan na ang absolute confidentiality ay tumutukoy sa unauthorized disclosures, at hindi sa mga awtorisadong pagbabahagi na pinapayagan ng batas, rules at guidelines.
Sumang-ayon naman si Buenaventura.
Tinanong din ni Pangilinan kung, sa ganitong interpretasyon, mawawalan ng kakayahan ang AMLC na mag-freeze ng accounts at magsampa ng money laundering cases.
Kinumpirma ni Buenaventura na mangyayari ito kung absolute confidentiality ang ipatutupad sa lahat ng pagkakataon.
Binigyang-diin naman ni Pangilinan na maging ang pagsusumite ng dokumento ng AMLC para suportahan ang budget request nito ay maaapektuhan kung hindi maaaring gamitin ang mga rekord sa otorisadong proseso.