Pinayagan ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang paggamit sa impeachment trial ng mga rekord mula sa mga bangko at insurance companies matapos mapatunayan ang pinagmulan, pagkakakilanlan at integridad ng mga ito.
Sa ruling ni Escudero, pinuntong direktang isinumite ng mga bangko ang mga record sa impeachment court alinsunod sa mga subpoena at hindi dumaan sa sinumang pribadong tagapamagitan o iba pang interesadong partido.
Tiniyak na itinala, inimbentaryo, iningatan, at kinopya ng Clerk of Court ang mga dokumento para magamit sa paglilitis.
Binigyang-diin ni Escudero na hindi lamang simpleng pag-iingat sa mga rekord ang batayan ng korte, kundi ang ligtas, dokumentado, at court-supervised na proseso ng pagsusumite ng mga ito.
Nilinaw rin ng korte na maaaring ituring na orihinal na dokumento ang electronic printout ng mga record, basta’t tama nitong naipapakita ang datos.
Gayunman, sinabi ng Presiding Officer na hindi nangangahulugan ang ganitong proseso ng authentication na awtomatikong totoo o tama ang bawat nakasaad sa dokumento.
Maaari pa rin aniyang kuwestiyunin ng depensa ang mga record o hilingin ang testimonya ng custodian kung makapagpapakita ito ng partikular na ebidensya ng pandaraya, pagbabago sa dokumento, o iba pang iregularidad.