Itinanggi ng kampo ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada na may nasayang na pondo ng gobyerno sa pag-aayos at paglipat mula sa dati niyang opisina sa ika-6 na palapag ng Senado.
Ito ay matapos lumabas ang mga video ng ‘bare’ na opisina na iniwan ni Estrada at ipapasa kay ngayo’y Senate President Pro Tempore Tito Sotto.
Sa pahayag mula sa tanggapan ni Estrada, personal na pera ng senador ang ginamit sa pagbili ng karamihan sa mga fixtures at kagamitan sa opisina, gaya ng floor tiles, glass panels, lighting fixtures at cabinets.
Ipinaliwanag ng kampo ni Estrada na karaniwang gawain sa Senado na ang mga senador ang sumasagot sa gastusing lampas sa inilaan na budget para sa kanilang opisina.
Sinabi rin nitong dadalhin at muling gagamitin sa bagong opisina ang karamihan sa mga kagamitan, kaya wala aniyang masasayang na pondo ng publiko.
Ayon pa sa kampo ng senador, naipaliwanag na rin ang usapin sa resident COA auditor.
Hiling ng kampo ni Estrada na huwag nang gawing isyung pampulitika o kontrobersiya ang paglilipat ng opisina.
Samantala, pinabulaanan naman ni Senador Ping Lacson ang pahayag na “bare” o walang laman ang tanggapan ng Senate President Pro Tempore na kanyang iniwan noong 2022 at kalauna’y inokupa ni Senador Jinggoy.
Sinabi ni Lacson na iniwan niyang buo ang tanggapan dahil ginamitan ito ng pondo ng gobyerno para sa pag-ayos bago niya ito gamitin.
Personal na ring binisita ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Senate President Pro Tempore’s Office, na binakante ni Estrada.
Aminado si Gatchalian na nagulat sila ni Sotto sa nakitang kalagayan ng opisina.
Tiyak aniyang kakailanganin pa ng dagdag na panahon at pondo para makalipat si Sotto sa naturang opisina.
Nakatakda sanang lumipat si Sotto ngayong linggo sa tanggapan ng Senate President Pro Tempore pero noong Lunes ay natuklasan niyang halos walang laman na ito matapos baklasin ang mga fixture at iba pang bahagi ng tanggapan.
Naging Senate President Pro Tempore si Estrada sa panahon ng pamumuno ni Senador Chiz Escudero bilang Senate President, mula May 2024 hanggang September 2025.
Matapos mapalitan si Escudero bilang Senate President at mahalal si Lacson bilang Senate President Pro Tempore, hindi niya inookupa ang dating tanggapan ni Estrada.
At nang mahalal na Senate President si Gatchalian, si Sotto na naman ang nahalal na Senate President Pro Tempore.
