Nanawagan si Akbayan Party-list Representative Chel Diokno sa pamahalaan na palakasin pa ang suporta sa mga magsasaka at mangingisda bilang paghahanda sa banta ng “very strong” El Niño na posibleng maranasan sa huling bahagi ng 2026 at magpatuloy hanggang unang bahagi ng 2027.
Ayon kay Diokno, hindi dapat hintayin na maramdaman nang todo ang epekto ng El Niño bago kumilos at dapat tiyaking may sapat na resources ang mga magsasaka at mangingisda.
Una nang inanunsyo ng Department of Agriculture (DA) na nakakuha ito ng ₱45 bilyong fertilizer assistance para sa mga magsasaka at mangingisda.
Gayunman, sinabi ni Diokno na kailangan pang dagdagan ang suporta upang maprotektahan ang kabuhayan, mapanatili ang produksyon ng pagkain, at matulungan ang mga apektado ng El Niño na makabangon.
Iniulat ng DA na umabot na sa ₱6.87 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa agrikultura dahil sa El Niño, na nakaapekto sa mahigit 223,000 magsasaka sa 14 sa 18 rehiyon ng bansa.
Samantala, idineklara na ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang state of calamity sa 106 lugar dahil sa patuloy na paglala ng kondisyon ng tagtuyot.
Binigyang-diin ni Diokno na dapat unahin ang sapat na suplay ng tubig, agricultural inputs at financial assistance dahil mas magiging mahirap at magastos ang pagbangon kapag lumala pa ang epekto ng El Niño.