Tinanong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung maaaring maging panimulang punto sa money laundering investigation ang ₱776 milyon na pumasok sa Cale88 Foods Corp.
Sa Day 34 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni Gatchalian na batay sa report ng AMLC, may ₱776 million na cash inflow sa Cale88 at ₱154 million naman ang cash outflow.
Pero ayon kay Gatchalian, hindi niya makita ang naturang halaga sa available balance sheet ng kumpanya, na may paid-up capital lamang na ₱125,000, cumulative sales na ₱23 million mula 2021, assets na ₱18 million at liabilities na ₱20 million.
Sinabi ni AMLC Secretariat Executive Director Atty. Ronel Buenaventura na hindi siya maaaring magbigay ng opinyon kung saan napunta ang ₱776 million dahil ang maaari lang niyang patotohanan ay ang nasa mga record.
Itinanong din ni Gatchalian kung maaaring pumasok sa mga dahilan para maituring na suspicious transaction ang halagang hindi tugma sa financial capacity ng isang negosyo.
Tumugon si Buenaventura na kailangan pa ring tingnan ang nature ng negosyo, profile at iba pang transaksyon bago makapagbigay ng konklusyon.
Nang tanungin kung maaaring maging candidate for money laundering ang isang transaksyong hindi makita sa mga libro ng kumpanya, sinabi ni Buenaventura na maaari itong maging starting point, pero kailangan pa ring ikonsidera ang iba pang factor at tukuyin kung may predicate offense o ilegal na pinagmulan ang pera.
Ayon kay Buenaventura, kabilang sa maaaring imbestigahang unlawful activity ang drug trafficking, kidnapping for ransom at graft.
Kinumpirma rin niya na sa normal na proseso ng AMLC, tinitingnan ang pinagmulan ng pera at lahat ng kaugnay na factor, kabilang ang mga entity na pinagmulan ng pondo.