Halos 363,000 pamilya o katumbas ng 1.8 milyong indibidwal sa anim na lalawigan ng Bicol Region ang posibleng maapektuhan ng El Niño, ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD Field Office 5.
Ayon kay Claire Christine Lobete, DRIMS Head at DROMIC Focal ng DSWD Bicol, kabilang sa mga sektor na maaaring higit na maapektuhan ng matinding tagtuyot ang tinatayang 475,000 magsasaka, 279,000 mangingisda, at 205,800 agricultural workers sa rehiyon.
Sa ngayon, nasa 16,500 pamilya o 76,586 indibidwal mula sa 68 barangay sa Albay, Catanduanes, at Camarines Norte ang naiulat nang apektado ng matinding tagtuyot.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang mga komunidad na posibleng makaranas ng kakulangan sa tubig at epekto sa kabuhayan upang agad na matukoy ang mga pangangailangan at maihatid ang kinakailangang ayuda.
Bilang paghahanda, nasa ₱353 milyon ang kabuuang standby funds at stockpile ng DSWD Field Office 5 na nakaposisyon sa iba’t-bang warehouse sa Bicol Region.
Kabilang sa nakaabang na relief supplies ang mahigit 308,000 family food packs, 15,100 ready-to-eat food boxes, at 8,121 bote ng tubig, gayundin ang iba pang non-food items na maaaring ipamahagi sa mga pamilyang mangangailangan.
Samantala, nakapagpaabot na ang DSWD Bicol ng mahigit ₱9.1 milyon halaga ng humanitarian assistance sa mga residenteng naapektuhan ng tagtuyot.
Nakahanda rin ang Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS para sa mga indibidwal at pamilyang maaaring mangailangan ng karagdagang suporta dahil sa epekto ng El Niño.
Patuloy naman ang koordinasyon ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya upang mapalakas ang paghahanda at matiyak na mabilis na matutugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na posibleng maapektuhan ng El Niño.