Nanawagan ng agarang aksyon ang iba’t ibang sektor sa Department of Trade and Industry (DTI) para mas mahigpit na maipatupad ang product standards at mapigilan ang pagpasok at pagbebenta ng mga substandard na produkto.
Kabilang sa mga tinukoy na produkto ang steel bars, batteries, at Liquefied Petroleum Gas (LPG).
Ayon kay Philippine Iron and Steel Institute President Joel Ronquillo, sa 500 steel bar samples na sinuri ng kanilang grupo mula 2023 hanggang 2025, 193 ang lumabas na substandard.
Giit nito, maaaring maging panganib sa kaligtasan ang paggamit ng substandard steel bars, lalo na sa mga gusali at imprastraktura.
Dahil dito, iminungkahi ng grupo ang total ban sa induction furnace para sa construction grade steel, agarang pagpapatupad ng PNS 49:2026 bilang mandatory standard, patas na kompetisyon para sa compliant products, at mas mahigpit na enforcement ng DTI.
Ayon naman sa Alyansa Agrikultura at Federation of Philippine Industries, problema rin ang mabagal na aksyon at kawalan ng feedback sa mga isinampang reklamo laban sa mga manufacturer ng substandard products.
Giit ng grupo, madalas na retailers lamang ang napapanagot habang hindi naaabot ang manufacturers na pinagmumulan ng mga substandard na produkto.
Ayon kay FPI Chair Emeritus Jesus Arranza, nakatakda silang makipag-ugnayan sa Bureau of Customs kaugnay ng umano’y pagpasok ng substandard at smuggled products, kabilang ang LPG.