Photo courtesy of Senate of the Philippines
Inamin ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Executive Director Atty. Ronel Buenaventura na hindi niya maipaliwanag kung paano maitutugma ang ₱4.4 bilyong halaga ng mga transaksyon nina Vice President Sara Duterte at ng asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sa kabuuang halaga ng kanilang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Ibinunyag ito sa pagtatapos ng pagtestigo ni Buenaventura sa Senate Impeachment Court, matapos siyang usisain nang husto ni Presiding Officer Senador Francis “Chiz” Escudero tungkol sa malaking agwat ng mga numero.
Nilinaw sa pagdinig na ang ₱4.4 bilyon ay ang aggregate value ng mga covered transaction reports at suspicious transaction reports na isinumite ng mga bangko at iba pang institusyon sa AMLC.
Hindi ito direktang net worth, kita, o aktwal na balanse ng mag-asawa sa iisang petsa lamang.
Samantala, binigyang-diin din na ang paglabas ng isang covered o suspicious transaction report ay hindi awtomatikong patunay na ilegal ang transaksyon.