Nagbabala ang Department of National Defense (DND) hinggil sa seryosong implikasyon ng pagpasok ng pera mula China patungo sa pamilya ni Vice President Sara Duterte.
Ito’y makaraang lumabas sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (ALMC) sa Impeachment Trial na tumanggap ng mahigit sa ₱319 milyong pisong remittances mula China ang kumpaniyang CALLE 88 na pagmamay-ari ni Second Gentleman, Atty. Mans Carpio.
Nabatid ang nasabing kumpaniya rin mismo ang nagsusuplay ng banana chips sa China mula taong 2021 hanggang 2024.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., nangangamba siyang posibleng maka-impluwensya sa mga opisyal ng bansa ang perang nanggagaling sa mga banyagang bansa na maituturing na “National Security Risk.”
Bukod dito, lumabas din sa ulat ng AMLC at sa pagbubunyag ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang ₱150 milyong pisong donasyon ng Embahada ng China kay VP Sara sa panahong siya pa ang alkalde ng Davao noong 2019.
Una rito, sinabi ng National Security Council (NSC) na kanilang iniimbestigahan ang usapin lalo’t seryoso aniya ang mga naturang impormasyon.
Kaugnay nito, inatasan ni National Security Adviser, Secretary Eduardo Oban Jr. ang Intelligence gayundin ang Investigative agencies na makipag-ugnayan sa ibang ahensya upang ma-assess ang implikasyon ng mga naturang transaksyon.