Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magbibigay ng libre at regular na financial education para sa mga overseas Filipino worker (OFWs) at kanilang pamilya.
Sa ilalim ng House Bill No. 9806 o Free OFW Financial Education Act, gagawing mandatory at regular na bahagi ng Pre-Departure Orientation Seminar ang financial literacy training para sa mga aalis na manggagawa.
Saklaw ng panukala ang lahat ng land-based at sea-based OFW, dokumentado man o hindi, gayundin ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Sasailalim din sa Post-Arrival Training Seminar ang mga bagong OFW at mga lumilipat ng overseas workplace kahit hindi umuuwi sa Pilipinas.
Kabilang sa mga ituturo ang consumer protection, tamang pangungutang, pamamahala ng utang, investments, insurance, at pag-iwas sa online scams, pyramiding schemes at iba pang mapanlinlang na transaksyon.
Ayon kay Tingog party-list Rep. Jude Acidre, isa sa nagsulong ng panukala, mahalagang matutunan ng mga OFW at kanilang pamilya kung paano protektahan at palaguin ang kanilang pinaghirapang kita.