Hindi natuloy ngayong araw ang dapat sanang pagbasa ng sakdal kay Sen. Jinggoy Estrada at dating DPWH Sec. Manuel Bonoan para sa kasong graft at plunder na kinahaharap nito sa Sandiganbayan 5th Division.
Ito ay habang hindi pa nareresolba ang motion to quash ng kampo ni Estrada at Bonoan at hiling ni Bonoan para sa hospital arrest.
Dahil dito, muling iniusog ang arraignment ng mga ito sa June 30 habang hinihintay pa ang komento sa mosyon ng proseksyon.
Samantala, naghain naman ng “not guilty” plea ang mga kapwa akusado sa kasong graft at plunder na sina DPWH-NCR Assistant District Engineer Denryl Caesar Sanchez Cortuna, at mga District Engineer na sina Manny Bumagat Bulusan at Arturo Lombres Gonzales Jr.
Hindi naman nakadalo si Bonoan sa pagdinig na umano’y naka-confine pa rin sa Medical City habang nasa kustodiya ng CIDG.
Samantala, iniatras na rin ng kampo ni Estrada ang mosyon na mailipat ito ng detention facility. | ulat ni Merry Ann Bastasa