Opisyal nang idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa partikular sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Ayon sa state weather bureau, naging hudyat nito ang madalas at paminsan-minsang pag-ulan sa nakalipas na limang araw dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na maaari pa ring makaranas ng tinatawag na “monsoon breaks” o pansamantalang paghina ng ulan na maaaring tumagal ng ilang araw hanggang ilang linggo.
Dahil din sa nakaambang El Niño phenomenon, nagbabala ang PAGASA sa posibleng paglakas ng epekto ng Habagat sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas.
Dahil dito, pinapayuhan ng PAGASA ang publiko at mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng mga kinakailangang paghahanda at pag-iingat laban sa posibleng pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang epekto ng tag-ulan at masamang panahon.