Nilinaw ng Bureau of Customs (BOC) na wala itong direktang kinalaman sa paglalagay o pamamahala ng baggage tags sa mga paliparan kasunod ng mga ulat sa social media tungkol sa umano’y pagpapalit ng baggage tags ng mga pasahero.
Ayon sa BOC, wala pang nakukumpirmang insidente ng naturang modus sa mga paliparan sa bansa nitong mga nakalipas na buwan at pinaniniwalaang kaugnay ng mga kaso sa ibang bansa ang mga kumakalat na ulat online.
Sinabi ng ahensya na nananatili itong nakikipag-ugnayan sa mga kaukulang awtoridad upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero at ng mga pantalan ng bansa.
Pinayuhan din ng BOC ang mga biyahero na kumuha ng litrato ng kanilang bagahe bago ang check-in, gumamit ng madaling makilalang palatandaan sa kanilang mga gamit, at bantayang mabuti ang kanilang mga ari-arian habang nasa biyahe.
Hinikayat din ng ahensya ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga kinauukulang awtoridad o sa platform nitong “Isumbong Kay Commissioner.”