Courtesy of Manila PIO
Mas pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang kahandaan nito sa panahon ng tag-ulan at mga sakuna sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong early warning devices at weather preparedness equipment.
Pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department Director Arnel Angeles ang pagpapakita ng electronic sirens, mass notification systems, at iba pang kagamitang ginagamit para sa mas mabilis na pagbibigay-babala at pagtugon sa mga emerhensiya.

Kabilang sa mga ipinakita ang mga sistemang kayang magbigay ng agarang abiso sa mga residente kaugnay ng malalakas na pag-ulan, pagbaha at iba pang banta, gayundin ang pagpapadala ng alert messages sa mga emergency response team upang mapabilis ang koordinasyon.
Ipinakilala rin ang Automated Weather Station na ginagamit sa pagsubaybay sa pressure, temperatura, humidity, dami ng ulan, at bilis at direksyon ng hangin para sa mas tumpak na weather monitoring.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila, bahagi ito ng patuloy na pagpapalakas ng disaster preparedness program upang maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga Manileño sa harap ng masamang panahon at iba pang sakuna.
