Nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang iba’t ibang wildlife animals na ibinebenta sa kabuuang ₱3.5 milyong piso.
Ito’y matapos silang magkasa ng operasyon sa Brgy. Kawit, bayan ng Medellin sa lalawigan ng Cebu na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang babae.
Nasagip sa naturang operasyon ang anim na parrots na kinabibilangan ng Ecletus, Blue-Naped at African Grey gayundi ng apat na African Spurred Tortoise, isang Black Palm Cockatoo, at dalawang ibong macaw (Green-Winged at Blu-and-Gold).
Ayon kay CIDG Director, Police Maj. Gen. Robert Alexander Morico II, manager ng isang resort ang inaresto dahil sa pag-aalaga ng wildlife animals na walang kaukulang permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Dahil dito, mahaharap siya sa paglabag sa Republic Act 9147 o mas kilala bilang Wildlife Resources Conservation and Protection Act.


