Sugatan ang isang miyembro ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) matapos masangkot sa isang hit-and-run incident sa South Luzon Expressway o SLEX sa San Pedro, Laguna.
Ayon sa HPG, naganap ang insidente nitong Hunyo 6 sa southbound lane ng SLEX malapit sa MCX Exit. Nagtamo ng minor injuries ang pulis ngunit nasa ligtas at stable na kondisyon na.
Batay sa mga video na kumalat online, makikitang nabangga ng isang hindi pa nakikilalang SUV ang HPG rider bago ito tumakas at hindi huminto.
Dahil dito, mariing kinondena ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa pangunguna ni Commissioner Rafael Vicente Calinisan ang insidente at nanawagan ng agarang pananagutan sa taong responsable.
Nakikipag-ugnayan na ang HPG sa pamunuan ng SLEX upang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver gamit ang CCTV footage, dashcam recordings, at iba pang ebidensya.
Hinimok naman ng mga awtoridad ang publiko na magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon. Giit ng NAPOLCOM, walang sinuman ang dapat makaligtas sa pananagutan sa ilalim ng batas, lalo na kung nalalagay sa panganib ang buhay ng iba sa kalsada.
📸 PNP-HPG / NAPOLCOM