Pormal nang binuksan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang OFW Kabuhayan Expo 2026 kasabay ng pagdiriwang ng Migrant Workers’ Day ngayong Hunyo 7 sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Pinangunahan ng OWWA Regional Welfare Office-NCR, katuwang ang mga partners nito at iba pang regional offices, ang pinakamalaking pagtitipon ng mga serbisyo at oportunidad para sa mga overseas Filipino worker at kanilang pamilya.
Taglay ang temang “Kalinga, Kaalaman, Kabuhayan Para sa OFW at Pamilya, Tungo sa Bagong Pilipinas,” layunin ng expo na suportahan ang reintegrasyon ng mga OFW sa pamamagitan ng mga programang pangkabuhayan, edukasyon, kalusugan, pananalapi, at social protection.
Kabilang sa mga tampok ng aktibidad ang mga serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, success stories forum ng mga matagumpay na OFW, at paglagda ng mga kasunduan sa TESDA at Philippine Franchise Association upang palawakin ang oportunidad sa pagsasanay at pagnenegosyo.
Ayon sa OWWA, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na tiyakin ang pangmatagalang kapakanan at pag-unlad ng mga OFW at kanilang pamilya, alinsunod sa layunin ng Bagong Pilipinas na mailapit ang serbisyo at suporta sa bawat Pilipino.
📸 OWWA