Sinibak na sa kanilang mga puwesto ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nasasangkot sa mga alegasyon ng katiwalian.
Ayon sa DPWH, iniutos ni Secretary Banoy Lopez ang pagtanggal sa puwesto kina Tarlac 1st District Engineering Office District Engineer Hermon Ines at Engineer Saidale Mitmug ng Cotabato 3rd District Engineering Office.
Sinibak din si Apayao 2nd District Engineering Office OIC District Engineer Clifton Valencerina dahil umano sa pangingikil ng tinatawag na SOP o kickback sa mga proyekto.
Tinanggal naman sa puwesto si Lanao del Norte 2nd District Engineering Office District Engineer Amron Mitmug dahil sa pagsertipika sa mga proyektong hindi naman maipatutupad.
Ayon sa kagawaran, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na linisin ang hanay ng DPWH at panagutin ang mga opisyal at empleyadong sangkot sa katiwalian.
Tiniyak din ng DPWH na magpapatuloy ang pagpapatupad ng one-strike policy na sinimulan sa ilalim ng dating kalihim na si Vince Dizon.