Nilinaw ng mga mambabatas na ₱115 bilyon lamang ang kabuuang amendments na ginawa ng Kamara sa ilalim ng Budget Amendments and Realignment Subcommittee (BARSc) para sa 2027 General Appropriations Bill.
Ito ang tugon ng Kamara sa mga lumalabas na ulat na umabot umano sa ₱1 trilyon ang mga pagbabago sa panukalang pambansang budget.
Ayon kay House Appropriations Vice Chair Arnie Fuentebella, ₱115 bilyon ang aktuwal na halaga ng amendments na inaprubahan sa BARSc.
Ipinaliwanag naman ni Senior Vice Chair Albert Garcia na ang amendments ay institutional at nagmula sa mga kahilingan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, hindi sa personal na kagustuhan ng mga mambabatas.
Hinamon din ni Garcia ang mga nagpapalutang ng ₱1-trilyong halaga na tukuyin kung saan nagmula ang naturang numero at kung ano-anong proyekto ang tinutukoy upang masuri at matukoy ang tunay na halaga ng mga pagbabago sa budget.
Binigyang-diin niyang madaling maglabas ng alegasyon, ngunit mahalagang tingnan ang bawat proyekto at ang konteksto ng mga naging amendment.
Bilang halimbawa, binanggit ni Negros Oriental 3rd District Rep. Janice Degamo ang tatlong water projects sa kanilang lalawigan na may tamang coordinates at barangay na pagtatayuan, ngunit maling probinsya ang nakatala.
Paliwanag ni Degamo, kinailangang itama ang nakatalang probinsya mula Negros Occidental patungong Negros Oriental upang matiyak na maipatutupad ang mga proyekto at maihatid ang kinakailangang serbisyo sa mga residente.
Aniya, ilan lamang ito sa mga pagwawastong ginagawa sa budget na hindi dapat agad ituring na mga kahina-hinalang insertion.