Nasagip ng Department of Migrant Workers (DMW) ang 55 aplikanteng OFW’s mula sa isang umano’y hindi ligtas at substandard na accommodation facility sa Imus, Cavite sa isinagawang operasyon nitong nagdaang araw ng Sabado, Hunyo 6.
Pinangunahan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac ang pagsalakay matapos makatanggap ng ulat hinggil sa hindi maayos na kalagayan ng mga OFW applicant na pansamantalang pinatitira ng mga lisensyadong recruitment agency habang naghihintay ng deployment.
Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ng mga awtoridad na hindi pumapasa sa pangunahing pamantayan sa kalusugan, kaligtasan, at kapakanan ng mga manggagawa ang pasilidad. Agad namang pinagkalooban ng welfare assistance, pansamantalang matutuluyan, legal aid, at iba pang suporta ang mga nasagip sa tulong ng DMW, OWWA, at Migrant Workers Protection Bureau.
Iniutos din ni Cacdac ang pagsasampa ng mga kasong may kaugnayan sa recruitment violations laban sa mga responsableng recruitment agency. Ayon sa DMW, bahagi ang operasyon ng pinaigting na inspeksyon sa mga accommodation facility para sa mga OFW applicant sa buong bansa upang matiyak ang kanilang kaligtasan, kapakanan, at proteksyon laban sa anumang uri ng pang-aabuso.
📸 DMW