Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang lahat ng employer sa pribadong sektor na ibigay ang 13th Month Pay ng kanilang mga manggagawa sa o bago ang December 24, 2026.
Sa Labor Advisory No. 21, Series of 2026, na nilagdaan ni DOLE Secretary Francis Tolentino, lahat ng rank-and-file employees na nakapagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan ngayong taon ay may karapatang tumanggap ng 13th Month Pay, anuman ang kanilang employment status.
Kabilang dito ang mga piece-rate worker, commission-based employee, manggagawang may higit sa isang employer, at maging ang mga nag-resign o natanggal sa trabaho.
Nilinaw ng DOLE na ang 13th Month Pay ay katumbas ng kabuuang basic salary na kinita ng empleyado sa loob ng taon, na hahatiin sa 12.
Halimbawa, ang manggagawang kumita ng ₱120,000 sa basic salary ngayong taon ay dapat tumanggap ng ₱10,000 na 13th Month Pay.
Ang mga nag-resign naman bago matapos ang taon ay may karapatan pa rin sa 13th Month Pay batay sa kanilang kabuuang kinita bago umalis sa trabaho.
Babantayan ng DOLE Regional at Field Offices ang pagsunod ng mga employer sa nasabing patakaran.