Nakatakdang tipunin ng Coast Guard District Bicol ang mga water rescue teams mula sa iba’t ibang panig ng bansa para sa isasagawang National WASAR Olympics 2026, sa Matayum Lagoon sa bayan ng Cataingan, Masbate, sa darating na Hunyo 22 hanggang 24.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Masbate Governor Atty. Richard Kho na ang aktibidad ay kasabay ng pagdiriwang ng Bagat Dagat Festival 2026 at naglalayong higit na palakasin ang kahandaan sa pagtugon sa mga sakuna at insidenteng may kaugnayan sa tubig sa pamamagitan ng pagpapakita ng kakayahan at husay ng mga rescue personnel sa bansa.
Bukas ang kompetisyon sa mga akreditadong rescue teams, local government disaster response units, fire at emergency medical service groups, coast guard auxiliaries, at iba pang kinikilalang Water Search and Rescue (WASAR) organizations. Kinakailangang binubuo ng sampung miyembro ang bawat koponan at nakapagtapos ng WASAR training na isinagawa ng Philippine Coast Guard.
Kabilang sa mga paligsahang paglalabanan ng mga kalahok ang Contact Rescue with Carries Relay, Human Centipede Race, Knot Tying Relay, 50-Meter Swimming Relay, Rubber Boat Paddling o Rowing, Towing Relay, at Life-Saving and CPR Relay.
Mag-uuwi ng ₱500,000 ang kampeon habang tatanggap naman ng ₱300,000 ang ikalawang puwesto at ₱100,000 ang ikatlong puwesto. Mayroon ding consolation prize at espesyal na pagkilala para sa Best in Uniform. Inaasahang makakatulong ang National WASAR Olympics sa pagpapalakas ng kultura ng kahandaan, pagtutulungan, at mabilis na pagtugon sa sakuna, kasabay ng pagsusulong ng kaligtasan ng mga komunidad sa buong bansa. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP Albay