Pakikinabangan ng mga residente at negosyante sa Davao City at Island Garden City of Samal ang mas mabilis at maginhawang biyahe sa oras na matapos na ang Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Project, habang kumikilos ang pamahalaan upang tugunan ang mga hamon sa pagpapatupad at mapabilis ang konstruksyon ng mahalagang proyektong pang-imprastraktura.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na aksyunan ang mga usapin sa pondo, at siguruhin na matatapos ang proyekto sa takdang panahon.
Binigyang-diin ng pangulo na dapat magbunga ang mga pamumuhunan ng gobyerno ng makabuluhang pagbabago at pagpapabuti sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Sa ika-12 pulong ng Economy and Development Council, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pagrepaso sa mga proyekto para sa mas maaasahang supply ng kuryente, mas matibay na proteksyon laban sa baha, mas mabilis na biyahe, at mas malawak na access sa edukasyon at social protection.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong isinusulong ng
Pangulong Marcos ay ang Samal Island-Davao City Connector (SIDC) Project, na naglalayog pababain ang biyahe sa pagitan ng Davao City at Island Garden City of Samal, gayundin ang Project Balay (Building Access to Learning for Students), na naglalayong palawakin ang pagkakataon ng mga mag-aaral na makapag-aral.
Ang SIDC Bridge, inaasahang magbibigay ng mas mabilis, ligtas, at maginhawang transportasyon para sa mga residente, pasahero, at negosyante sa Davao City at Samal Island at magbubukas ng mas maraming oportunidad sa ekonomiya para sa mga komunidad. | ulat ni Racquel Bayan