Ipinanawagan ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa mga domestic shipping operator na mahigpit na sundin ang mga itinakdang safety requirements, lalo na ang tamang paglalagay at madaling pag-access sa mga life vest, kasabay ng inaasahang pagdami ng mga pasaherong bibiyahe ngayong panahon ng balik-eskwela.
Sa isinagawang pakikipagpulong ng MARINA Enforcement Service sa mga shipping operator sa Port of Lucena, binigyang-diin ng ahensya na dapat laging madaling makita at magamit ang mga life-saving equipment upang matiyak ang mabilis na pagtugon sakaling magkaroon ng emergency.
Hinikayat din ng MARINA ang mga operator na paigtingin ang pagbibigay ng safety reminders sa mga pasahero, lalo na sa mga magulang at guardian na may kasamang mga sanggol at maliliit na bata. Kabilang dito ang wastong paggamit ng life jacket bago at habang nasa biyahe.
Noong Hunyo 6, nakipagpulong si MARINA Enforcement Service Director Luisito Delos Santos sa Starhorse Shipping, habang nagsagawa rin siya ng katulad na pagpupulong sa Montenegro Shipping Lines noong Hunyo 5 upang talakayin ang pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan.
Ayon sa MARINA, mahalaga ang mahigpit na pagsunod sa mga safety requirement upang maprotektahan ang buhay ng mga pasahero at matiyak ang ligtas at maayos na paglalayag habang tumataas ang bilang ng mga biyahero sa pagbubukas ng klase.