Ipinagmalaki ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang naging resulta ng kanilang “Safer Cities Initiative” matapos ang dalawang buwang pagpapatupad nito sa Metro Manila, kung saan mahigit kalahating milyong paglabag at insidente ang kanilang naaksyunan.
Mula Abril 6 hanggang Hunyo 6, 2026, nakapagtala ang NCRPO ng kabuuang 509,927 enforcement actions sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) framework. Kabilang dito ang pagtugon sa mga paglabag kaugnay ng pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar, paninigarilyo, kalinisan ng kapaligiran, curfew para sa mga kabataan, at mga paglabag sa trapiko at noise pollution.
Pinakamataas ang bilang ng enforcement activities sa Southern Police District, Northern Police District, at Quezon City Police District.
Ayon kay NCRPO Regional Director PMGen. Anthony Aberin, layunin ng programa na hindi lamang tugunan ang mga paglabag kundi palakasin din ang disiplina, kaayusan, tiwala, at respeto ng publiko sa komunidad.
Tiniyak naman ng NCRPO na ipagpapatuloy nito ang mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa upang mapanatiling ligtas at maayos ang Metro Manila.