May bagong commemorative Beep Card na maaaring kolektahin ng publiko.
Ito ay matapos ilunsad ng Korte Suprema ang espesyal na Beep Card bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo nito.
Pinangunahan ni Chief Justice Alexander Gesmundo ang paglulunsad ng espesyal na card noong nakaraang linggo sa Supreme Court Main Building sa Maynila. Binuo ito sa pakikipagtulungan ng AF Payments Inc., ang kumpanyang nasa likod ng Beep Cards na ginagamit sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3.
Nagtatampok ang commemorative card ng digital artwork ng Supreme Court Complex sa Padre Faura na sumisimbolo sa mahalagang papel ng Korte Suprema sa pagpapatibay ng demokrasya, katarungan, at rule of law sa bansa. Dalawang bersyon ng disenyo ang inilabas bilang paggunita sa makasaysayang anibersaryo ng hukuman.
Ayon sa Korte Suprema, layunin ng proyekto na mailapit sa publiko ang kasaysayan at pamana ng hudikatura sa pamamagitan ng isang bagay na bahagi na ng araw-araw na biyahe ng maraming Pilipino.
Kasabay nito, binuksan din ang kauna-unahang SC Gift Shop na nag-aalok ng mga souvenir, stationery, at iba pang commemorative items na sumasalamin sa kasaysayan at pagkakakilanlan ng hudikatura.
Magsisimula nang mabili ng publiko ang espesyal na Supreme Court 125th Anniversary Beep Cards sa mga piling istasyon ng LRT at MRT ngayong buwan bilang bahagi ng paggunita sa 125 taon ng paglilingkod ng Korte Suprema sa sambayanang Pilipino.