Mas marami pang oportunidad sa pagsasanay, trabaho, at kabuhayan ang inaasahang mabubuksan para sa mga overseas Filipino worker (OFWs) matapos lagdaan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang isang Memorandum of Agreement sa Hong Kong.
Pinangunahan ni OWWA Administrator Patricia Yvonne “PY” Caunan ang paglagda ng kasunduan kasama si TESDA Director General Jose Francisco “Kiko” Benitez noong Hunyo 7 sa OFW Global Center sa Hong Kong. Layunin ng partnership na palakasin ang mga programa para sa mga OFW at kanilang mga pamilya sa larangan ng upskilling, reskilling, skills training, scholarship opportunities, livelihood, entrepreneurship, at employment support.
Saklaw din ng kasunduan ang pagpapahusay ng reintegration programs para sa mga nagbabalik na OFW, pagpapadali ng referral at skills certification mechanisms, at pagtiyak na ang mga training program ay naaayon sa pangangailangan ng labor market. Palalawakin din nito ang access sa scholarship at financial assistance para sa mga OFW at kanilang mga pamilya.
Ayon sa OWWA, mahalagang hakbang ang kasunduang ito upang mapalawak ang access ng mga OFW sa edukasyon, pagsasanay, at mga programang magpapalakas sa kanilang kabuhayan at paghahanda para sa mga oportunidad sa loob at labas ng bansa.