Nagpatupad ang Philippine Coast Guard (PCG) ng mas pinaigting na mga hakbang sa kaligtasan at seguridad sa mga pantalan sa buong bansa bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Balik-Eskwela 2026 ng Department of Transportation (DOTr).
Ayon kay PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan, nakahanda ang ahensya na tiyakin ang ligtas at maayos na paglalakbay ng publiko mula Hunyo 5 hanggang 11, kasabay ng pagbubukas ng School Year 2026–2027.
Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang mas mahigpit na inspeksyon sa mga sasakyang pandagat, karagdagang deployment ng mga tauhan sa mga pantalan at terminal, at mas malawak na koordinasyon sa iba pang ahensya upang maiwasan ang overcrowding, overloading, at iba pang insidente.
Katuwang din ng PCG ang Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MARINA) sa pagtatatag ng DOTr Malasakit Help Desk para sa agarang pagtugon sa mga reklamo at kahilingan ng mga biyahero. Magkakaroon din ng karagdagang Coast Guard K9 Units upang mapalakas ang seguridad sa mga pantalan.
Patuloy ang pagbabantay at maritime security operations ng PCG upang matiyak ang ligtas, maayos, at komportableng paglalakbay ng mga pasahero ngayong panahon ng Balik-Eskwela 2026.
Ang aktibidad ay bahagi ng pagsusulong ng Intensified Community Assistance, Awareness, Response, and Enforcement (iCARE) Program ng PCG, na naglalayong palakasin ang pakikipag-ugnayan sa komunidad sa pamamagitan ng maagap, may malasakit, at maaasahang serbisyo publiko para sa bawat Pilipino, lalo na ngayong panahon ng pagbubukas ng klase.