Muling nagbigay ng karangalan sa Pilipinas si Alex Eala matapos masungkit ang kampeonato sa Birmingham Open sa pamamagitan ng matinding 5-7, 6-3, 7-5 panalo laban sa Czech na si Nikola Bartunkova sa women’s singles final na ginanap sa Edgbaston Priory Club noong Linggo.
Bilang top seed ng torneo, ipinakita ni Eala ang kanyang katatagan at husay upang makabangon mula sa pagkatalo sa unang set at tuluyang maangkin ang titulo. Ito ang kanyang ikalawang WTA 125 championship at kauna-unahang titulo sa grass court, isang mahalagang tagumpay habang naghahanda siya para sa mas malalaking torneo sa professional circuit.
Bago makarating sa finals, tinalo ni Eala ang Swiss qualifier na si Rebeka Masarova, 6-2, 4-6, 6-3, sa semifinals. Sa quarterfinals naman, walang kahirap-hirap niyang dinaig ang Thai na si Mananchaya Sawangkaew, 6-3, 6-2.
Nauna ring pinataob ng 20-anyos na Filipina ang Australian na si Priscilla Hon, 6-0, 6-2, sa Round of 32 at ang Russian na si Alina Charaeva, 6-2, 7-5, sa Round of 16.
Hindi rin naging madali ang kampanya ni Bartunkova patungo sa finals. Tinalo ng Czech player sina Harriet Dart ng Estados Unidos, Gabriela Knutson ng Czech Republic, Mika Stojsavljevic ng Great Britain, at Ashlyn Krueger ng Estados Unidos bago makaharap si Eala sa championship match.
Nagkatambal pa sina Eala at Bartunkova sa doubles competition ng torneo, ngunit maaga silang natanggal matapos yumuko sa British pair na sina Harriet Dart at Maia Lumsden sa unang round.
Patuloy namang pinatutunayan ni Eala ang kanyang pagiging isa sa pinakamahuhusay na manlalaro ng tennis sa Asya. Noong nakaraang taon, nagtapos siya ng 26 na taong pagkauhaw ng Pilipinas sa gintong medalya sa women’s singles ng Southeast Asian Games matapos talunin din si Sawangkaew sa finals.
Sa kanyang pinakabagong tagumpay sa Birmingham Open, lalo pang pinagtibay ni Eala ang kanyang puwesto sa pandaigdigang tennis at muling ipinagmalaki ang watawat ng Pilipinas sa internasyonal na entablado.
📷 LTA/IG
