Mas pinalalapit na ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang skills certification para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) matapos matagumpay na maisagawa ang kauna-unahang Overseas Assessment Program (OAP) sa Al Khobar, Saudi Arabia.
Isinagawa ang programa sa pakikipagtulungan ng Department of Migrant Workers (DMW), Procare Hospital, at Saudi-Canadian Training and Simulation Center.
Sa ilalim ng programa, sumailalim sa competency assessment ang mga Pilipinong manggagawa para sa Caregiving NC II at Healthcare Services NC II.
Dahil dito, maaari na silang makakuha ng nationally recognized TESDA certifications nang hindi na kinakailangang umuwi pa sa Pilipinas.
Layunin ng inisyatibang ito na gawing mas accessible ang assessment services para sa mga OFW at mabigyan sila ng pagkakataong mapatunayan ang kanilang kasanayan habang patuloy na nagtatrabaho sa ibang bansa. Ayon sa TESDA, bahagi ito ng kanilang patuloy na pagsisikap na palakasin ang professional credibility at oportunidad ng mga Pilipinong manggagawa sa pandaigdigang merkado.
📸 TESDA