Photo courtesy of RTVM, Cebu Province
Tumanggap ang lalawigan ng Cebu ng kabuuang ₱1.365 bilyong tulong-pinansyal mula sa pambansang pamahalaan para sa rehabilitasyon at pag-aayos ng mga pasilidad at imprastraktura na nasira ng magnitude 6.9 na lindol at Bagyong Tino noong 2025.
Pinangunahan ni Governor Pamela Baricuatro ang delegasyon ng Cebu sa ginanap na ceremonial distribution ng Disaster Rehabilitation and Reconstruction Assistance Program (DRRAP) na pinamunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Malacañang Palace noong Nobyembre 5, 2026 sa Malacañang.
Sa kabuuang ₱8.6 bilyong pondo ng DRRAP na inilaan para sa 306 na local government units (LGUs) sa buong bansa na naapektuhan ng mga kalamidad mula 2024 hanggang 2026, nakuha ng Cebu ang pinakamalaking bahagi na nagkakahalaga ng ₱1.365 bilyon o 15.87 porsyento ng kabuuang alokasyon.
Bukod sa ₱1.365 bilyon para sa mga LGU, may karagdagang ₱777 milyong pondo rin na inaprubahan para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 7 upang suportahan ang mga patuloy na proyekto sa rehabilitasyon kaugnay ng lindol at bagyo noong 2025.
Ibinatay ng pambansang pamahalaan ang halaga ng tulong sa damage assessment report na isinumite ng mga LGU sa Office of Civil Defense (OCD).
Mapupunta ang pondo sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu, sa dalawang highly urbanized cities (Cebu City at Mandaue City), at sa 21 mga bayan at lungsod.
Gagamitin ito sa pagkukumpuni ng mga kalsada, tulay, pampublikong gusali, pati na rin sa mga inisyatiba sa kalusugan, agrikultura, at resettlement program.
Narito ang alokasyon sa mga LGU sa Cebu mula sa natanggap na pondo:
* Bogo City: ₱180 milyon (pinakamalaking alokasyon)
* Liloan: ₱115 milyon
* San Remigio, Cebu City, at Cebu Provincial Government: Tig-₱100 milyon
* Danao City: ₱75 milyon
* Borbon, Sogod, Catmon, Daanbantayan, Compostela, Consolacion, Toledo, Medellin, Tabogon, Tabuelan, Mandaue City, at Talisay City: Tig-₱50 milyon
* San Francisco: ₱25 milyon
* Asturias at Balamban: Tig-₱20 milyon
* Tudela, Pilar, at Poro (Camotes Islands): Tig-₱10 milyon
Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat si Baricuatro sa Pangulong Marcos dahil malaki aniya ang maitutulong ng nasabing pondo upang agad na makumpleto ang rehabilitation efforts ng lalawigan lalo na sa mga nasirang pampublikong imprastraktura, habang tiniyak na hindi ito magagamit sa kurapsyon.