Arestado ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhang pugante na wanted sa Taiwan at South Korea dahil sa umano’y pagkakasangkot sa malawakang panloloko at ilegal na operasyon ng online gambling.
Ayon sa BI, dalawang magkahiwalay na operasyon ang ikinasa ng Fugitive Search Unit sa Cebu at Metro Manila na nauwi sa pagkaaresto ng dalawa.
Noong Oktubre 29, nadakip sa Mandaue City, Cebu ang 27-anyos na Taiwanese national na si Yu Sheng Fu, na umano’y namumuno sa isang fraud syndicate na nakapambiktima ng mahigit 200 Taiwanese nationals at nakapandaya ng mahigit P200 milyon.
Samantala, inaresto naman noong Nobyembre 2 sa Newport complex sa Pasay City ang 46-anyos na South Korean national na si Ha Joonho, na wanted dahil sa umano’y pagiging junket agent sa ilegal na online baccarat operations na nagsagawa ng 37 transaksyon na nagkakahalaga ng humigit-kumulang 154 milyong South Korean won.
Kasalukuyang nakadetine ang dalawa sa BI detention facility sa Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings. Ayon sa BI, bahagi ito ng kanilang kampanya upang hindi maging kanlungan ng mga dayuhang pugante ang Pilipinas.